Ni Xiang Yang
Isang araw, nagbasa ako ng pabula. Mayroong isang magsasakang umasang hindi maaapektuhan ng masamang lagay ng panahon ang kanyang trigo habang tumutubo ito, at sa halip ay tumubo ito nang mataas at matatag sa banayad na amihan at sikat ng araw. Ngunit nang matupad ang kanyang hiling at dumating ang panahon ng paglilikom ng ani, walang lamang butil ang trigo.
Ang siste, kung hindi mabibinyagan ang trigo sa lahat ng uri ng masamang panahon habang tumutubo ito, hindi ito magbubunga ng masaganang ani.
Ang pagpapatubo ng trigo ay nakapagpaisip sa akin ng ating sariling buhay at kung paanong tayo ay kailangan ring pandayin ng hangin at ulan, kung hindi ay mauuwi tayong tulad ng mga bulaklak na tumutubo sa isang imbernadero, at tayo ay magiging napakarupok, matutumba sa unang bigwas, at hindi makakaagapay sa lahat ng uri ng mararahas na kapaligiran at malulupit na realidad. Sabi ng Bibliya, “Sapagka’t papatayin sila ng pagtalikod ng musmos, at ang pagkawalang balisa ng mga mangmang ay ang sisira sa kanila.” (Kawikaan 1:32). Kapag kumportable at madali ang ating kundisyon, wala tayong ginawa kundi ang mag-aliw sa ating laman at hindi natin magawang sinserong sumandig sa Diyos, sumangguni sa Diyos, o lumapit sa Kanya. Maaari ring mawalan ng usad ang ating pagpasok sa buhay, at kapag dumanas tayo ng mga kabiguan at hadlang, napakadali nating maging negatibo at mahina, maaari tayong mawalan ng pananalig sa Diyos at, sa mapanganib na mga sitwasyon, maaari rin nating itatwa at ipagkanulo ang Diyos. Samakatuwid, kung nais lumago sa buhay ng isang tao, kailangan niyang dumaan sa mga hadlang, kabiguan, at pagsubok. Kapag nakakaranas tayo ng maraming paghihirap, natututunan natin kung paanong sinserong sumandig sa Diyos at sumangguni sa Kanya, nakakabuo tayo ng normal na relasyon sa Diyos, at unti-unti, tayo ay nagiging mahinahon at matatag, at ang ating kalooban, ang ating lakas, at ang ating kakayahang humusga ng mga bagay at pangasiwaan ang mga problema ay mabilis na lalago. Tayo rin ay higit na magiging hinog at lalago sa buhay sa bawat araw na lilipas. Samakatuwid, lalago lamang tayo sa pamamagitan ng pagdanas ng mga paghihirap at pagsubok.
Gayundin, sa ating mga naniniwala sa Diyos, ang pagdaan sa mga paghihirap at pagpipino ang pinakadakilang biyaya ng Diyos, dahil kung nais nating matamo ang buhay, kailangan nating dumaan sa mga paghihirap at pagdurusa. Sabi ng Bibliya, “Marami ang magpapakalinis, at magpapakaputi, at magpapakadalisay” (Daniel 12:10). “Ang dalisayan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto: nguni’t sinusubok ni Jehova ang mga puso” (Kawikaan 17:3). Maraming ganitong berso sa Bibliya, at sinasabi nito sa atin na, sa pamamagitan lamang ng pagdanas ng mga paghihirap at pagpipino natin makikita ang ating sariling tayog at madidiskubre ang ating sariling mga kamalian at kakulangan. Kasabay nito, nagkakaroon din tayo ng tunay na kaalaman tungkol sa kalooban ng Diyos na nasa likod ng Kanyang pagtatakda ng mga paghihirap na ito, gayundin sa Kanyang disposisyon at kung ano ang Kanyang taglay at kung ano Siya. Sa pamamagitan lamang ng pagdaan sa mga paghihirap at pagpipinong ito malilinis ang ating mga tiwaling disposisyon at mga kamalian sa ating paniniwala sa Diyos, at doon lamang tayo mahuhubog ng Diyos upang maging mga taong sumusunod sa Diyos, nagmamahal sa Diyos at nagpapalugod sa Diyos. Sa kabuuan ng kasaysayan, pinanday ang mga sinaunang santo at propeta sa pamamagitan ng mga paghihirap bago sila nagkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos at pagsunod sa Diyos, at doon lamang nila naani ang papuri ng Diyos. Tingnan si Abraham, bilang halimbawa. Inutos ng Diyos na ibigay niya ang kanyang sariling anak na si Isaac, na siyang isinilang mula sa kanya noong siya ay 100 taong gulang, sa Diyos bilang handog na susunugin at, sa panahon ng pagsubok na ito, pinakawalan ni Abraham ang kanyang pinakamamahal na anak upang palugurin ang Diyos. Ang sinseridad at pagkamasunurin na kanyang ipinakita sa Diyos ay nasuklian ng pagtanggap ng Diyos, at nangako ang Diyos kay Abraham na ang mga inapo ng kanyang mga supling ay pararamihin at palalaguin, at si Abraham ay naging ama ng maraming bansa. Dumaan si Moses sa 40 taon ng paghihirap sa kagubatan, at hindi lamang pinahupa ng pagdurusang ito ang kanyang pagkamainitin ng dugo, kundi pinanday din nito ang kanyang kalooban at lakas, ginawang perpekto nito ang kanyang tunay na pananalig sa Diyos, at kinalaunan, siya ay naging karapat-dapat na gamitin ng Diyos. Dinala niya ang mabigat na pasanin ng pamumuno sa mga Israelito palabas ng Ehipto at, sa pamamagitan ng pagsandig sa kanyang pananampalataya, naisakatuparan niya ang tagubiling ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Sa panahon ng mga paghihirap at pagsubok gaya ng pagkakanakaw ng kanyang kayamanan, kalunus-lunos na kamayatan ng kanyang mga anak, at ang pagkakaroon ng masasakit na pigsa sa kanyang buong katawan, hindi nagsalita nang makasalanan si Job, at naniwala siyang ibinigay sa kanya ni Hehoba ang lahat ng mayroon siya at na binawi rin ito ni Hehoba. Ano man ang ginawa ng Diyos, dinakila pa rin ni Job ang pangalan ni Hehoba, at ang kanyang pananampalataya, pagkamasunurin, at paggalang para sa Diyos ay nagawang perpekto sa pamamagitan ng mga paghihirap at pagsubok na ito. Pinagpala siya ng Diyos, hinayaan siyang marinig sa kanya mismong mga tainga ang tinig ng Diyos, at pinagkalooban Niya si Job ng kayamanang higit pa sa dati. Naroon din si Pedro na nakaranas ng daan-daang pagsubok at pagpipino. Iyong mga bagay sa kanyang sarili na naghimagsik laban sa Diyos, gayundin ang kanyang mga tiwaling disposisyon, ay dahan-dahang nalinis, at umusbong sa kanyang sarili ang tunay na pang-unawa at pagmamahal para sa Diyos. Sa huli, patiwarik na ipinako sa krus si Pedro sa ngalan ng Panginoon, na nagdulot ng umaalingawngaw na patotoo ng pagkamasunurin hanggang kamatayan at dakilang pagmamahal para sa Diyos, at siya ay naging isang ehemplong dapat tularan para sa lahat ng nagmamahal sa Diyos.
Sabi ng Panginoong Jesus, “Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa Akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa Akin” (Marcos 8:34). Ang paniniwala sa Diyos ay isang mahirap, paliku-liko, at lubak-lubak na landas. Sa pagbagtas natin sa landas na ito, kailangan nating dumaan sa maraming pagsubok at pagpipino, gaya ng pagkakasakit, kahirapan, paninira ng mga makamundong tao at iba pa. Kapag dumating sa atin ang mga paghihirap at pagpipinong ito, makakaya ba nating maging matatag, at hindi sisihin o hindi unawain nang mali ang Diyos, matutong tanggapin ito mula sa Diyos, at tumuon sa pagkatuto ng mga aral at magsagawa ng sariling paglilimi, nang sa gayon ay mabigyang-daan ang ating paglago sa ating buhay? Sa katunayan, sa sandaling malampasan natin ang mga paghihirap at pagpipino, magagawa nating lahat na tunay na pahalagahan na ang mga paghihirap ang pinakadakilang biyayang maipagkakaloob sa atin ng Diyos! Sa pamamagitan lamang ng pagdaan sa mga paghihirap at pagdurusa natin maaalis ang ating mga tiwaling disposisyon at saka mababago ang mga disposisyon ng ating buhay. Kapag nagbago ang mga disposisyon ng ating buhay, saka lamang tayo magiging karapat-dapat na tumanggap ng pamana ng Diyos at magkamit ng Kanyang pangako!