Kingdom Praise Musical Drama—Every Nation Worships the Practical God

菜單

Abr 5, 2020

Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos | Nauunawaan Mo Ba ang 4 na Prinsipyo ng Mabisang Panalangin?

 


Nauunawaan Mo Ba ang 4 na Prinsipyo ng Mabisang Panalangin?


Ni Yang Yang, China


Mga kapatid, alam natin na ang pananalangin sa Diyos ang pinakadirektang paraan ng mga Kristiyano upang makipag-usap sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit, maliban sa mula umaga hanggang gabing panalangin, nananalangin din tayo sa iba pang mga panahon tulad ng kapag nagbabasa ng Bibliya, kapag nasa mga pagtitipon, kapag nag-oobserba ng Sabbath, o kapag humaharap sa mga kahirapan. Nguni’t ang ating mga panalangin ba ay ayon sa kalooban ng Panginoon, at tayo ba ay pakikinggan Niya? Isa itong bagay na mahalagang maunawaan ng bawat kapatiran; at kung hindi, kahit ilang beses pa tayong manalangin o gaano man kahaba ang mga panalanging ito, hindi natin makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Tunay na matagal nang ibinigay ng Panginoong Hesus ang mga sagot na ito, kaya’t sama-sama nating hanapin kung ano ang sinasabi ng katotohanan sa bagay na ito!
1. Tumayo Bilang isang Nilalang sa Panalangin

Naitala sa Lucas 18:9-14, “At kaniyang sinalita naman ang talinghagang ito sa nagsisiasa sa kanilang sarili, na nangagpapanggap na sila’y matutuwid, at pinawawalang halaga ang lahat ng mga iba: May dalawang lalaking nagsipanhik sa templo upang magsipanalangin; ang isa’y Fariseo, at ang isa’y maniningil ng buwis. Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kaniyang sarili ng ganito, Dios, pinasasalamatan kita, na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga manglulupig, mga liko, mga mapangalunya, o hindi man lamang gaya ng maniningil ng buwis na ito. Makalawa akong nagaayuno sa isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinakamtan. Datapuwa’t ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo, ay ayaw na itingin man lamang ang kaniyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, Dios, ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan. Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito na inaaaringganap kay sa isa: sapagka’t ang bawa’t nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa; datapuwa’t ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.” Madaling makita mula sa talinghaga ni Hesus na sumang-ayon ang Panginoon sa panalangin ng maniningil ng buwis at kinamuhian naman ang panalangin ng Fariseo. Ito’y dahil sa ang Fariseo ay pasikat lamang, itinanghal ang sarili at inisa-isa ang kanyang mga gawa sa harapan ng Diyos. Inilagay niya ang kanyang sarili sa mataas na posisyon, at naging kahanay pa ng Diyos. Nakipagtawaran siya sa Diyos, inangkin ang kapurihan mula sa gawain ng Diyos, at wala ni katiting na paggalang sa Kanya. Wala ni kahit konting takot sa kanyang puso para sa Diyos, at ito ang pumukaw sa pagkasuklam at pagkamuhi ng Diyos. Nguni’t naiiba ang maniningil ng buwis. Alam niya na siya’y isang abang makasalanan, kaya’t may takot sa Diyos ang kanyang panalangin, inilatag niya ang kanyang sarili at kinilala ang kanyang sariling katiwalian at taos-pusong nagsumamo para sa kapatawaran ng Diyos, at sa huli, natanggap niya ang awa ng Diyos. Magkaiba ang saloobin ng Diyos sa bawa’t isa sa kanila dahil magkaiba ang kanilang saloobin patungkol sa Diyos. Ikumpara ito sa ating sariling mga panalangin. Kadalasan mali ang ating pananaw. Halimbawa, kapag nahaharap tayo sa mga kahirapan, alam natin na ang ating ginagawa ay hindi ayon sa katuruan ng Panginoon, gayunpaman determinado pa rin tayong gawin ito, at sa ating panalangin nais pa nga nating kumilos ang Diyos ayon sa ating sariling kalooban. O kapag nagampanan natin ang isang bagay ayon sa ating tungkulin, tulad nang hindi pagkanulo sa Panginoon kapag tayo’y nahuli, nararamdaman natin na tayo ay tunay na tapat sa Panginoon, na tayo ay nagmamahal sa Kanya, kaya’t kapag tayo’y nanalangin, humihiling tayo ng mga pagpapala o mga korona, at kapag hindi tayo pinagpala ng Diyos, nakikipagtalo tayo sa Kanya. O kapag tayo’y nagkasakit o may masamang nangyari sa bahay, sa ating panalangin sinisisi natin ang Diyos na hindi tayo ipinagtanggol, at tinatangka pa nga nating mangatwiran sa Diyos at makipagtuos sa Kanya. At mahaba pa ang listahan. Ang lahat ng mga panalanging ito ay panggigipit sa Diyos at pagtatangka na Siya ay diktahan. Isa itong pananamantala, paninisi sa Kanya, at maging paglaban at pagsalungat sa Kanya. Ang mga ganitong uri ng panalangin ay ganap na kawalan ng konsensiya at katwiran, at ang manalangin nang ganito ay paglaban sa Diyos. Kung nais nating mga Kristiyano na pakinggan ng Diyos ang ating mga panalangin, kailangan nating manalangin katulad nang ginawa ng maniningil ng buwis, tumayo bilang isang nilalang, magkaroon ng lubos na paggalang sa Kanya, at manalangin sa Diyos na may paunang kundisyon ng pagiging masunurin. Hindi natin dapat na ipilit ang ating mga hangarin sa Diyos o magdikta na kumilos Siya ayon sa ating kalooban. Dapat lamang tayong humiling na isasakatuparan ng Diyos ang Kanyang kalooban. Ito ang tanging paraan na diringgin ng Diyos ang ating mga panalangin at papagliwanagan Niya at gagabayan tayo.

Malaman ang higit pa: Ano ang nagagawa ng panalangin? Maraming mga mananampalataya ang nagdududa sa Diyos sa kanilang mga puso, sapagkat ang kanilang panalangin ay hindi masasagot ng Panginoon. Pangunahin ito sapagkat hindi sila nakakahanap ng isang paraan upang magsanay at hindi alam kung paano manalangin na pakikinggan ng Panginoon. Kamakailan lamang ay nakakita ako ng isang artikulo sa Internet, na malinaw na ipinahayag kung ano ang tunay na panalangin at ang kahulugan ng panalangin. Kung mayroon ka ring aspetong ito ng pagkalito, basahin natin ito ngayon.


2. Manalangin sa Diyos Nang May Sinseridad at Katapatan

Sinabi minsan ng Panginoong Hesus sa Kanyang mga alagad: “At pagka kayo ay nagsisidalangin, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw: sapagka’t iniibig nila ang magsidalangin ng patayo sa mga sinagoga at sa mga likuang daan, upang sila’y mangakita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila’y ganti. Datapuwa’t ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.” (Mateo 5:5-6) Nakikita natin mula sa nakasulat sa Bibliya na kadalasan kapag nanalangin ang mga Fariseo namimili sila ng lugar na may maraming tao. Nasisiyahan silang tumayo sa mga sinagoga o sa kanto upang manalangin, at saka bibigkasin nila ang Banal na Kasulatan at uusal nang mahaba at hungkag na mga panalangin. Lahat ng ito ay ginagawa upang makita ng mga tao, upang tingnan sila ng mga tao na taimtim at relihiyoso, at sa pamamagitan nito ay makuha ang paghanga ng mga tao at tingalain sila. Ang ganoong uri ng panalangin ay walang iba kundi pagtataas sa mga sarili at pagpapasikat; ito’y pagtatangkang lokohin ang Diyos. Kung kaya sinabi ng Panginoong Hesus na ang mga Fariseo ay mga ipokrito, at ang kanilang mga panalangin ay pakunwari, kasuklam-suklam sa Panginoon. Sa pagmumuni-muni, sa maraming panahon kapag tayo’y nananalangin, nagkikimkim din tayo ng mga maling motibo. Halimbawa, kapag nanalangin sa mga pagtitipon, hindi natin kinakausap ang Diyos tungkol sa ating mga tunay na kahirapan o katiwalian, o makipag-usap sa Kanya mula sa puso at hilingin sa Kanya na pangunahan at gabayan Niya tayo. Sa halip, nagpapahayag tayo ng mga mabulaklak na mga salita at nagbibigay ng hungkag na mga papuri, o kung hindi man bumibigkas tayo ng mga kabanata mula sa Bibliya o nagsasalita ng patungkol sa Banal na Kasulatan, sapagka’t iniisip natin na kung sino man ang higit na makapagsasaulo ng Kasulatan at makapagsasalita nang mahusay ay mas magaling manalangin. Iniisip din natin na kapag mas madalas nating ginagawa ang ating pang-umaga at panggabing mga panalangin, o kapag mas madalas tayong nananalangin bago kumain at magpasalamat sa biyaya ng Diyos pagkatapos kumain, at kapag mas mahabang oras ang ginugugol natin sa mga ito, mas higit ang ating pagiging espirituwal at mas nagiging taimtim tayo. Iniisip natin na ang pananalangin sa ganitong paraan ay mas ayon sa kalooban ng Panginoon. Sa katotohanan, ang pananalangin sa ganoong paraan ay hindi pagbubukas ng ating puso sa Panginoon at hindi ito tunay na pagsamba sa Kanya. Sa halip, ito’y pagkapit sa ating mga pansariling motibo at layunin, at ito’y para lamang sa pagpapakita sa iba kung gaano tayo kahusay maghanap kapag ginamit natin ito bilang pagpapasikat. Ang pananalangin sa ganoong paraan ay parang paulit ulit lang, pagkilos nang walang saysay, at ito’y pananalangin bilang isang relihiyosong ritwal. Ito’y pagtrato sa Diyos nang may pagtatangkang lokohin Siya, ito’y kasuklam-suklam sa Kanya. Sinabi ng Panginoong Hesus, “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan” (Juan 4:24). Ang Diyos ang Panginoon ng sansinukob, kaya’t kapag ang nilalang ay nanalangin sa harap ng Lumikha, dapat tayong magkaroon ng pusong may takot at nagpupuri sa Kanya nang buong katapatan, tumatanggap ng Kanyang pagmamasid, at nakikipag-usap nang hayagan at may katapatan sa Diyos. Ang ganitong uri lamang ng panalangin ang kinaluluguran ng Diyos.

3. Manalangin Upang Gawin ang Kalooban ng Diyos

Sa Mateo 6:9-10, 13 sinabi ng Panginoong Hesus: “Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa. At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.” Simula noong ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, kumikilos na ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, tulungan tayong makatakas mula sa kasamaan, tulungan tayong makawala mula sa pagkaalipin at kapinsalaan ni Satanas, at sa huli ay tulungan tayong mapasa-Diyos. Kaya nga, umaasa ang Diyos na lalapit ang tao sa Kanya at tatanggapin ang Kanyang kaligtasan. Umaasa din Siyang mamumuhay ang mga tao ayon sa Kanyang mga salita at igagalang Siya higit sa lahat. Ito ang dahilan kung bakit sa ating mga panalangin, hindi lamang tayo hihiling para sa ating mga sarili. Kailangan din nating isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, ipanalangin na maganap ang kalooban ng Diyos sa lupa, ipanalangin ang pagpapakita ng kaharian ni Kristo sa lupa, at ipanalangin na ang Ebanghelyo ng Diyos ay maipakalat sa bawat sulok ng mundo. Ito ang isa pang landas ng pagsasanay kung saan ang panalangin ng Kristiyano ay nakaayon sa kalooban ng Diyos. Halimbawa, kapag nahaharap tayo sa iba’t ibang kagipitan, pangungutya, at kahirapan habang ipinapakalat natin ang Ebanghelyo at nanghihina tayo at nagiging negatibo, dapat tayong masigasig na manalangin sa Diyos at hilingin sa Kanya na bigyan tayo ng pananampalataya at kalakasan, tulungan tayong talikuran ang laman at mapagtagumpayan ang lahat ng mga kahirapan, at huwag mapasailalim sa mga hadlang ng puwersa ng kaaway. Habang gumagawa at nangangaral, kailangan tayong manalangin nang may kabigatan, hilingin sa Kanya na papagliwanagan at gabayan tayo para maunawaan ang Kanyang mga salita nang sa gayon maaari tayong makibahagi at magsama sama sa Kanyang kalooban sa panahon ng pagtitipon. Nang sa gayon maaari nating pangunahan ang ating mga kapatid sa pagsasanay at karanasan sa mga salita ng Diyos at madala sila sa harapan ng Diyos. Kapag nakakita tayo ng mga walang konsensiya, mga masasamang bagay na ginagawa sa iglesya, dapat tayong manalangin sa Diyos at humingi sa Kanya ng pananampalataya at katapangan, gayon din ng pag-unawa sa katotohanan upang mabatid ang mga pandaraya ni Satanas at pagmalasakitan ang kapakanan ng bahay ng Diyos. At kung anu-ano pa. Kapag madalas tayong manalangin para sa pagdating ng kaharian ng Diyos at maganap ang Kanyang kalooban, at maihandog natin maging ang ating katiting na kalakasan para sa pagpapalaganap ng Kanyang Mabuting Balita, at saka aaprubahan ng Diyos ang ating mga panalangin at aayon ang mga ito sa Kanyang kalooban. Sa katotohanan, may mga panalangin sa Bibliya na sinang-ayunan Niya, tulad nang itinayo ni Haring David ang isang templo para kay Jehova upang makapag samba ang mga tao sa Diyos sa loob nito. Madalas siyang nananalangin sa Diyos para dito, at pagkatapos ay isinagawa niya ito. Ang mga pagsusumamong iyon ay sinang-ayunan ng Diyos, at sa huli si David ay naging isang taong nakaayon sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos na maging hari si Solomon at nagpakita sa Kanya ang Diyos sa pamamagitan ng isang panaginip, tinanong siya kung ano ang kanyang kahilingin, hindi humingi ng kayamanan o mahabang buhay si Solomon, sa halip hiniling niya sa Diyos na pagkalooban siya ng karunungan upang mas mapabuti pa niya ang pamamahala sa bayan ng Diyos, at upang mas mapabuti pa ang pagsamba ng bayan ng Diyos sa Kanya. Sinang-ayunan ng Diyos ang kanyang panalangin at hindi lamang siya pinagkalooban ng karunungan, kundi pati na ang kayamanan at mahabang buhay na hindi niya hiniling. Malinaw na ang pananalangin upang gawin ang kalooban ng Diyos ay isang panalangin na ayon sa Kanyang kalooban.

4. Manalangin sa Panginoon Nang May Tibay at Pasya—Huwag Panghinaan ng Puso

Sinasabi sa Lucas 18:1-8, “At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga, na sila’y dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganglupaypay; Na sinasabi, May isang hukom sa isang bayan, na hindi natatakot sa Dios, at walang taong pinagpipitaganan: At sa bayang yaon ay may isang babaing bao; at siya’y naparoroong madalas sa kaniya, na sinasabi, Iganti mo ako sa aking kaalit. At may ilang panahon na siya’y tumatanggi: datapuwa’t pagkatapos ay sinabi sa kaniyang sarili, Bagaman di ako natatakot sa Dios, at di nagpipitagan sa tao: Gayon man, sapagka’t nililigalig ako ng baong ito, ay igaganti ko siya, baka niya ako bagabagin ng kapaparito. At sinabi ng Panginoon, Pakinggan ninyo ang sinabi ng likong hukom. At hindi baga, igaganti ng Dios ang kaniyang mga hirang, na sumisigaw sa kaniya sa araw at gabi, at siya’y may pagpapahinuhod sa kanila? Sinasabi ko sa inyo, na sila’y madaling igaganti niya. Gayon ma’y pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?” Ipinapakita ng talinghagang ito na kapag nanalangin tayo sa Panginoon upang hanapin ang kalooban ng Diyos o humiling para sa isang bagay, hindi tayo pwedeg magmadali sa katugunan. Kailangan nating matutong maghintay, maghangad, at sumunod. Makapangyarihan at praktikal ang Diyos. Hindi Siya gumagawa ng mga hindi pangkaraniwang mga bagay, bagkus ang kanyang paggabay at pagkakaloob para sa sangkatauhan ay lubos na nakabatay sa totoong katayuan ng mga tao, at ginagawa ayon sa kung ano ang kayang abutin ng mga ito. Hangga’t ang ating mga pagsusumamo ay naaayon sa Kanyang kalooban, tunay na tutuparin Niya ang ating mga panalangin, kaya’t kailangan nating magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Lahat tayo’y nakaranas na ng mga ganitong bagay: Kung minsan kapag nahaharap tayo sa isang kahirapan at hindi natin alam kung ano ang gagawin, inaabot natin ang Diyos sa panalangin, at sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga Salita ng Diyos at sa pagsasama-sama ng mga kapatiran, mabilis na binibigyan tayo ng Diyos ng kaliwanagan at pinangungunahan Niya tayo, binibigyan ng isang landas ng pagsasanay. O kung minsan, matagal na nating ipinagdarasal ang isang bagay at hindi pa natatanggap ang tugon mula sa Diyos, at sa mga panahong iyon kailangan natin payapain ang ating mga puso at maghintay sa paghahayag ng kalooban ng Diyos sa atin. May ibang panahon na sinusubok ng Diyos ang ating pananampalataya upang tiyakin kung tayo ay tunay na mapagkakatiwalaan Niya. Kung minsan hangad ng Diyos na mailantad ang ating karumihan at malinis ang ating katiwalian. May mga panahon na kailangang magpakilos o mag-ayos ang Diyos ng mga tao, bagay, o pangyayari upang matupad ang ating mga panalangin, at ito’y mangangailangan ng panahon at isang tiyak na proseso. May mga panahon ding nakikita ng Diyos na ang ating kasalukuyan katayuan ay mababa at hindi pa natin kayang hawakan o kamtin ang isang bagay sa ating sariling pagsisikap, kaya’t naghihintay Siya hanggang tayo ay lumago ng konti, at pagkatapos ay dinadala Niya ito para sa atin… Matupad man o hindi ang ating mga panalangin Sa Diyos, kailangan tayong magkaroon ng pananampalataya sa Kanya at maniwala na ang lahat ng Kanyang ginagawa ay para sa ating kabutihan, na ang lahat ay para sa ating paglago sa buhay, at ang mabuting intensiyon ng Diyos ay umiiral sa lahat ng bagay. Kaya’t hindi mahalaga kung ang mga kahirapan na ating kinakaharap ay nasa ating pang-araw araw na buhay o sa ating serbisyo sa Diyos, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa o panghinaan ng loob. Dapat maging katulad tayo ng balo na naghahangad ng katarungan, maging matatag, magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos, lumapit nang madalas sa Kanya sa panalangin, maghangad at maghintay para sa paghahayag sa atin ng Kanyang kalooban. Dapat tayong maniwala na kapag dumating na ang panahon ng Diyos, matatamo natin ang kaliwanagan at pagpapaliwanag ng Banal na Espiritu, at makikita natin ang lakas ng Diyos, karunungan at ang Kanyang nakamamanghang mga gawain.

Ang apat na elemento ng panalangin sa itaas ay isang daan ng pagsasanay para sa Kristiyanong panalangin, at kapag nakapagsanay tayo sa mga bagay na ito araw araw, maaari nating maitatag ang isang normal na relasyon sa Diyos at mauunawaan ang katotohanan sa mga salita ng Panginoon. Uunlad ang pananaw ng ating mga kaluluwa, at magkakaroon tayo ng mas higit na tiwala sa ating pananampalataya at sa ating pagsunod sa Diyos. Matatamo din ng ating mga panalangin ang pagsang-ayon ng Diyos!