Pagpapahayag ng Makapangyarihang Diyos | Ang Lahat ng Hindi Kilala ang Diyos ay Yaong Sumasalungat sa Diyos
Upang maunawaan ang layunin ng gawa ng Diyos, kung ano ang bungang makakamit sa pagiging tao, at ang kalooban ng Diyos tungo sa tao, ito ang dapat makamit ng bawat taong sumusunod sa Diyos. Ang kulang ngayon sa lahat ng tao ay ang kaalaman sa gawa ng Diyos. Hindi ganap na nauunawaan ni naiintindihan ng tao kung ano ang bumubuo sa mga gawa ng Diyos sa tao, ang lahat ng gawa ng Diyos, at ang kalooban ng Diyos simula nang likhain ang mundo. Ang ganitong kakulangan ay hindi lamang nakikita saan mang dako ng relihiyosong mundo, kundi higit pa, sa lahat ng mananampalataya ng Diyos. Kapag dumating ang araw na tunay ngang mamasdan mo ang Diyos, at maunawaan ang karunungan ng Diyos; kapag namasdan mo ang lahat ng gawa ng Diyos at nakilala kung ano ang Diyos at ang kung ano ang mayroon Siya; kapag namasdan mo ang Kanyang kasaganaan, karunungan, himala, at lahat ng Kanyang mga gawa sa tao, ay saka mo makakamit ang matagumpay na pananampalataya sa Diyos. Nang sabihin na ang Diyos ay pumapaligid at lubhang masagana, ano ang ibig sabihin ng pumapaligid? Ano ang ibig sabihin ng kasaganaan? Kung hindi mo ito naunawaan, hindi ka maaaring ipalagay na mananampalataya ng Diyos. Bakit ko sinasabing ang mga nasa relihiyosong mundo ay mga hindi nananampalataya sa Diyos at mga manggagawa ng kasamaan, at yaong mga kauri ng demonyo? Kapag sinabi kong sila ay manggagawa ng kasamaan, ito ay dahil hindi nila maintindihan ang kalooban ng Diyos o makita ang Kanyang karunungan. Hindi kailanman ipinakita ng Diyos ang Kanyang gawa sa kanila; sila’y mga bulag na hindi nakikita ang mga gawa ng Diyos. Sila yaong mga tinalikdan ng Diyos at walang taglay na kalinga at pag-iingat ng Diyos, lalo pa ang gawa ng Banal na Espiritu. Yaong mga walang gawa ng Diyos ay manggagawa ng kasamaan at naninindigan sa mga sumasalungat sa Diyos. Yaong mga sinasabi ko na mga sumasalungat sa Diyos ay yaong mga hindi kilala ang Diyos, yaong mga tumatanggap sa Diyos sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang salita ngunit hindi Siya kilala, yaong mga sumusunod sa Diyos pero hindi Siya dinidinig, at yaong mga nagsasaya sa biyaya ng Diyos ngunit hindi magagawang maging saksi sa Kanya. Kung walang pag-unawa sa layunin ng Diyos at sa gawa ng Diyos sa tao, hindi makaaayon ang tao sa puso ng Diyos, at hindi magagawang maging saksi sa Diyos. Ang dahilan kung bakit sumasalungat ang tao sa Diyos ay nagmumula, sa isang banda, sa tiwaling disposisyon ng tao, at sa kabilang banda, sa kamangmangan tungkol sa Diyos at sa kakulangan ng pag-unawa sa mga prinsipyo ng gawa ng Diyos at ng Kanyang kalooban patungo sa tao. Ang dalawang aspetong ito ay nagsasama upang maging iisang kasaysayan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay sumasalungat sa Diyos dahil ang pagsalungat ay nasa kanilang kalikasan, samantalang ang pagsalungat sa Diyos ng mga mananampalayatang may maraming taon na sa paniniwala ay bunga ng kamangmangan tungkol sa Diyos, samahan pa ng kanilang tiwaling disposisyon. Sa panahon bago naging tao ang Diyos, ang batayan ng kung ang tao ay sumalungat sa Diyos ay kung tinutupad niya ang kautusang inihayag ng Diyos sa langit. Halimbawa, sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sinumang hindi tumupad sa kautusan ni Jehovah ay yaong mga sumalungat sa Diyos; ang sinumang nagnakaw ng mga alay para kay Jehovah, at ang sinumang nanindigan laban sa mga pinaboran ni Jehovah ay yaong sumalungat sa Diyos at yaong pupukulin ng bato hanggang sa mamatay; ang sinumang hindi gumalang sa kanyang ama at ina, at ang sinumang nanakit o nanumpa ng kapwa ay yaong hindi tumutupad sa mga kautusan. At ang lahat ng hindi tumupad sa kautusan ni Jehovah ay yaong nanindigan na labanan Siya. Hindi na ganito sa Kapanahunan ng Biyaya, na ang sinumang nanindigan laban kay Jesus ay yaong nanindigan laban sa Diyos, at ang sinumang hindi sumunod sa mga salitang sinabi ni Jesus ay yaong nanindigan laban sa Diyos. Sa panahong ito, ang pagpasyang “pagsalungat sa Diyos” ay higit pang natukoy nang malinaw at tunay. Sa panahong hindi pa naging tao ang Diyos, ang batayan ng kung ang tao ay sumalungat sa Diyos ay batay sa kung ang tao ay sumamba at gumalang sa hindi nakikitang Diyos na nasa langit. Ang kahulugan ng “pagsalungat sa Diyos” sa panahong iyon ay hindi lubusang totoo, dahil ang tao noon ay hindi maaaring makita ang Diyos ni malaman ang kanyang anyo o paano gumawa at magsalita ang Diyos. Walang mga pananaw ang tao sa Diyos at may kalabuan ang paniniwala sa Diyos, dahil hindi pa Siya nagpakita sa tao. Samakatuwid, paano man naniwala ang tao sa Diyos sa kanilang imahinasyon, hindi pinarusahan ng Diyos ang tao o humingi ng higit pa mula sa tao, sapagkat hindi talaga nakikita ng tao ang Diyos. Kapag nagiging tao ang Diyos at gumagawa kasama ang mga tao, ang lahat ay namasdan ang Diyos at napakinggan ang Kanyang mga salita, at nakita ng lahat ang gawain ng Diyos sa laman. Sa panahong iyon, ang lahat ng mga pananaw ng tao ay naglalahong parang bula. At para sa mga nakakita sa Diyos na nagpakita sa laman, ang lahat ng may pagsunod sa kanilang mga puso ay hindi dapat parusahan, samantalang yaong mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay yaong itinuturing na kalaban ng Diyos. Sila ang mga taong antikristo at mga kalaban na kusang-loob na naninindigan laban sa Diyos. Sila na may mga pananaw tungkol sa Diyos ngunit may kagalakang sumusunod ay hindi parurusahan. Pinarurusahan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga layunin at mga kilos, hindi kailanman sa kanyang mga kaisipan at mga ideya. Kung ang tao ay parurusahan sa ganitong batayan, ay wala ni isa ang makatatakas sa mabagsik na mga kamay ng Diyos. Yaong mga kusang-loob na naninindigan laban sa Diyos na nagkatawang-tao ay dapat maparusahan dahil sa kanilang pagsuway. Ang kusang-loob nilang pagsalungat sa Diyos ay nagmumula sa kanilang mga pananaw tungkol sa Kanya, na nagbunga ng kanilang paggambala sa gawa ng Diyos. Yaong ang mga tao ay sadyang lumalaban at sumisira sa gawa ng Diyos. Hindi lamang sila mayroong mga pananaw sa Diyos, subalit ginagawa nila ito upang magambala ang Kanyang gawa, at dahil sa kadahilanang ito na ang ganitong pag-uugali ng mga tao ay dapat parusahan. Yaong mga hindi kasama sa kusang-loob na paggambala sa gawa ay hindi dapat parusahan bilang makasalanan, sapagkat nagawa nilang sadyang sumunod at hindi gumawa ng paninira at paggambala. Yaon ang mga taong hindi dapat parusahan. Gayunpaman, kung ang mga tao sa maraming taon ay naranasan ang gawa ng Diyos, at kung tinataglay pa rin nila ang kanilang mga pananaw sa Diyos at hindi pa rin kayang malaman ang gawa ng Diyos na nagkatawang-tao, at sa kabila ng maraming taong karanasan, ay pinagpapatuloy pa rin nilang panghawakan ang maraming pananaw sa Diyos at hindi pa rin kayang kilalanin ang Diyos, at kahit hindi sila gumawa ng gulo nang mayroong maraming pananaw sa Diyos sa kanilang mga puso, at kahit ang mga pananaw na iyon ay hindi lumitaw, yaon ang mga taong wala ring paglilingkod sa gawa ng Diyos. Hindi nila kayang ipangaral ang ebanghelyo o maging saksi sa Diyos; sila ang mga taong walang silbi at mga hangal. Dahil hindi nila kilala ang Diyos at hindi nila kayang iwaksi ang kanilang mga pananaw sa Diyos, sila ay mapaparusahan. Maari itong sabihin nang ganito: Hindi kaiba sa mga baguhan sa pananampalataya ang magkaroon ng pananaw sa Diyos o pagkakaroon ng kawalang-alam sa Kanya, ngunit di-pangkaraniwan sa mga may paniniwala nang maraming taon at maraming karanasan sa gawa ng Diyos ang pagkakaroon ng ganitong mga pananaw, at mas lalo na para sa mga naturang tao ang kawalan ng kaalaman tungkol sa Diyos. At ang bunga ng ganitong di-pangkaraniwang kalagayan ng mga tao ay dapat silang maparusahan. Yaong ganoong mga di-pangkaraniwang tao ay mga walang silbi; sila yaong sukdulang sumasalungat sa Diyos at sila yaong nagpakasaya sa biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan. Sila yaong mga taong dapat alisin sa katapusan!