Ang pag-uusap na ito sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Jonas ay walang duda na isang pagpapahayag ng tunay na nararamdaman ng Lumikha sa sangkatauhan. Sa isang banda, ipinaaalam nito sa mga tao ang tungkol sa pag-unawa ng Lumikha sa buong sangnilikha sa ilalim ng Kanyang utos; tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova, “At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Sa madaling salita, ang pag-unawa ng Diyos sa Ninive ay hindi pahapyaw lamang. Alam Niyang hindi lamang ang bilang ng mga nabubuhay sa loob ng lungsod (kasama na ang mga tao at mga hayop), alam din Niya kung ilan ang hindi nakaaalam sa pagitan ng kanilang kanan at kaliwang kamay—ibig sabihin, ilang bata at kabataan ang naroroon. Ito ay isang matibay na patunay sa lubos na pagkaunawa ng Diyos sa sangkatauhan. Sa kabilang banda, ipinaaalam ng pag-uusap na ito sa mga tao ang tungkol sa saloobin ng Lumikha para sa sangkatauhan, ibig sabihin, ang bigat ng sangkatauhan sa puso ng Lumikha. Katulad lamang ito ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon…?” Ito ay mga salita ng paninisi ng Diyos na si Jehova kay Jonas, ngunit lahat ng iyon ay totoo.
Bagaman pinagkatiwalaan si Jonas upang ipahayag ang salita ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive, hindi niya naunawaan ang intensyon ng Diyos na si Jehova, ni naunawaan ang Kanyang mga pag-aalala at mga inaasahan para sa mga mamamayan ng lungsod. Sa pamamagitan ng mahigpit na pangangaral na ito, nais ng Diyos na sabihin sa kanya na ang sangkatauhan ay produkto ng Kanyang sariling mga kamay, at ang Diyos ay naglaan ng maingat na paggawa para sa bawat tao; dala-dala ng bawat tao ang mga pag-asa ng Diyos; tinatamasa ng bawat tao ang tustos na buhay ng Diyos; para sa bawat tao, nagbayad ang Diyos ng isang malaking halaga. Ang mahigpit na pangangaral na ito ay nagpaalala rin kay Jonas na pinapahalagahan ng Diyos ang sangkatauhan, ang gawa ng Kanyang sariling mga kamay, tulad ng pagpapahalaga ni Jonas sa halaman. Hindi sila basta iiwanan ng Diyos sa anumang paraan hanggang sa huling sandali; lalo na, napakaraming bata at mga inosenteng hayop sa loob ng lungsod. Kapag nakikitungo sa mga batang ito at sa mga inosenteng nilalang ng Diyos, na hindi man lamang alam ang kaibahan ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, lalong hindi kayang tapusin ng Diyos ang kanilang buhay at alamin ang kanilang kalalabasan sa gayong madaliang paraan. Umasa ang Diyos na makita silang lumaki; umasa Siya na hindi sila lalakad sa landas na parehong nilakaran ng kanilang mga matatanda, na hindi na nila kailangang muling marinig ang babala ng Diyos na si Jehova, at sasaksi sila sa nakaraan ng Ninive. Lalong higit pa rito, umasa ang Diyos na makita ang mga taga-Ninive pagkatapos nilang magsisi, na makita ang hinaharap ng Ninive matapos ang kanilang pagsisisi, at higit na mahalaga, na makita ang Ninive na muling namumuhay sa ilalim ng awa ng Diyos. Kaya, sa mata ng Diyos, ang mga nilikhang ito na hindi alam ang kaibahan ng kanilang kanan sa kaliwang kamay ay ang kinabukasan ng Ninive. Sila ang papasan sa kasuklam-suklam na nakaraan ng Ninive, tulad ng kanilang pagpasan sa mahalagang tungkulin ng pagiging saksi sa nakaraan at hinaharap ng Ninive sa ilalim ng paggabay ng Diyos na si Jehova. Sa pahayag na ito ng Kanyang tunay na nararamdaman, iniharap ng Diyos na si Jehova ang awa ng Lumikha para sa sangkatauhan sa kanyang kabuuan. Ipinakita nito sa sangkatauhan na ang “awa ng Lumikha” ay hindi isang walang-laman na parirala, ni isang hungkag na pangako; mayroon itong matibay na mga prinsipyo, mga pamamaraan at layunin. Siya ay tunay at totoo, at hindi gumagamit ng mga kasinungalingan o pagpapanggap, at sa parehong paraang ito, ang Kanyang awa ay walang hanggang ipinagkakaloob sa buong sangkatauhan sa bawat panahon at kapanahunan. Gayunpaman, hanggang sa mismong araw na ito, ang pakikipag-usap ng Lumikha kay Jonas ay ang nag-iisa at natatanging pahayag ng Diyos kung bakit nagpapakita Siya ng awa sa sangkatauhan, kung paano Siya nagpapakita ng awa sa sangkatauhan, gaano Siya nagpaparaya sa sangkatauhan at ang Kanyang tunay na nararamdaman para sa sangkatauhan. Ang maikli ngunit malinaw na pakikipag-usap ng Diyos na si Jehova ay nagpapahayag ng Kanyang kumpletong mga kaisipan para sa sangkatauhan; ito ay isang tunay na pagpapahayag ng saloobin ng Kanyang puso tungo sa sangkatauhan; at isa rin itong matibay na patunay ng Kanyang pagkakaloob ng masaganang awa sa sangkatauhan. Ang Kanyang awa ay hindi lamang ipinagkakaloob sa nakatatandang mga henerasyon ng sangkatauhan; ito ay ipinagkakaloob din sa mga nakababatang miyembro ng sangkatauhan, kagaya lamang ng dati, mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod. Bagaman ang poot ng Diyos ay madalas dumarating sa ilang lugar at ilang panahon ng sangkatauhan, ang awa ng Diyos ay hindi kailanman huminto. Sa Kanyang awa, ginagabayan at pinangungunahan Niya ang isang henerasyon ng Kanyang nilikha pagkatapos ng sumunod, tinutustusan at pinagpapala ang isang henerasyon ng nilikha pagkatapos ng sumunod, sapagkat ang Kanyang tunay na nararamdaman tungo sa sangkatauhan ay hindi kailanman magbabago. Tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive…?” Lagi Niyang pinapahalagahan ang Kanyang sariling sangnilikha. Ito ang awa ng matuwid na disposisyon ng Lumikha, at ito rin ang dalisay na pagiging natatangi ng Lumikha!
Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
___________________________
Dapat mong basahin ang mga salita ng Diyos upang gumawa ng daily devotion in tagalog na tutulong sa iyo na sundan ang mga yapak ng Kordero at makibahagi sa masaganang pagkakaloob ng buhay.