Kingdom Praise Musical Drama—Every Nation Worships the Practical God

菜單

May 10, 2019

Mga Artikulong Patotoo sa Karanasan sa Buhay|Ang mga Salita ng Diyos ang Gumagabay sa Akin upang Matutunan Kung Paano Turuan ang Aking mga Anak (I)

Xiaoxue, Malaysia

Mayroon akong dalawang anak na lalaki na isang taon ang pagitan. Upang palakihin sila nang edukado, may magandang modo, mabubuting tao na makakayanang tumayo sa kanilang sariling mga paa sa lipunan at magtagumpay, nang sila ay dalawang taong gulang pa lamang, kinausap ko ang aking asawa tungkol sa paghahanap ng kindergarten na may magandang reputasyon. Matapos ang ilang pagbisita, pagtatanong at pagkukumpara, pumili kami ng isang English kindergarten dahil nagbibigay halaga sila sa kakayahan at abilidad ng mga bata, na siya namang tumutugma sa aking pananaw sa pagtuturo sa mga bata. Bagaman medyo mahal nang kaunti ang matrikula, hangga’t ang mga bata ay nalilinang nang mas maayos at nakakakuha sila ng mas mahusay na edukasyon, sulit ang paggastos ng mas maraming pera.

Ang mga Salita ng Diyos ang Gumagabay sa Akin upang Matutunan Kung Paano Turuan ang Aking mga Anak
Habang lumalaki ang aking mga anak, napansin kong hindi sila ganoon katino at kamasunurin tulad nang inaasahan ko. Sa kabaligtaran, labis silang naging hambog at mapagrebelde. Halimbawa, noong dinala ko sila sa mall, nang may nakita silang gusto nila, basta-basta na lamang nila itong kinuha at kung hindi ko iyon binili para sa kanila, maglulupasay sila sa sahig at iiyak at gagawa ng eksena. Kapag nakipaglaro naman sila sa ibang mga bata, kapag may nakita silang gusto nila, basta na lamang nila itong aagawin. Kung hindi sa kanila ibinigay ng ibang bata, susuntukin nila sila. Pagkakita ko sa pagiging sumpungin at dominante ng aking mga anak, sinasaway ko silang palagi. Gayunpaman, hindi lang sa hindi ito epektibo, ngunit lalong naging mga pasaway ang mga anak ko. Sa oras na pangaralan ko sila, itatapon nila ang kanilang mga damit at sapatos sa basurahan. Kapag galit sila, kukuha sila ng gunting at gugupit-gupitin ang mga damit nila, mga sapin at unan. Ikinalungkot ko nang husto ang tungkol dito. Paanong naging ganoon kahambog at kasuwail ang aking mga anak? Iminungkahi ko sa aking asawa na palipatin sila ng paaralan ngunit hindi siya sumang-ayon. Sinabi niyang dapat natural at kusang-loob ang paglaki ng mga bata. Ikinagalit ko ang saloobin ng aking asawa tungkol sa aking mga anak: Ang isang mahusay na bata ay nililinang, hindi hinahayaang lumaki nang mag-isa. Malay ba natin kung anong mangyayari sa kanila kung hahayaan mo silang lumaki nang mag-isa! Ngunit kahit gaano ko siya hikayatin, iginigiit pa rin niya ang kanyang pananaw. Sobrang ikinasama ng loob kong makita ang asawa ko na napakairesponsable. Kung nagpatuloy kami na ganito, ano ang kahihinatnan ng mga anak ko sa hinaharap! Habang iniisip ko ang tungkol dito, mas lalo akong nag-aalala, at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin tungkol sa pag-aaral ng aking mga anak at nakaramdam ako ng pasakit at pag-aalala.

Noong Marso 2017, tinanggap ko ang mabuting balita ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos. Isang araw ng Hunyo ng taong iyon, nakita ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos na nagsasabing: “Maliban sa kapanganakan at pagpapalaki ng anak, ang tungkulin ng mga magulang sa buhay ng isang bata ay basta bigyan sila ng isang pormal na kapaligiran na kalalakihan nila, pagkat wala maliban sa naitadhana ng Manlilikha ang may kaugnayan sa kapalaran ng tao. Walang sinuman ang makakakontrol sa anumang uri ng kinabukasang magkakaroon ang tao; ito ay malaon nang naitadhana, at kahit na ang sariling mga magulang ay hindi maaaring makapagpabago ng sariling kapalaran. Kung patungkol sa kapalaran, ang bawa’t isa ay nagsasarili, at bawa’t isa ay may kanyang sariling kapalaran. Kung kaya walang mga magulang ninuman ang makakapagpatigil sa kapalaran ng isa sa buhay o maipipilit ang kaunti mang impluwensya sa papel na gagampanan ng isa sa buhay. Maaaring masabi na ang pamilya na kung saan naitadhana ang isa na maisilang, at ang kapaligiran na kinalakihan ng isa, ay wala nang higit sa mga kondisyon upang matupad ang sariling misyon sa buhay. Ang mga ito’y hindi sa anumang paraan ang nagpapasya sa kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana sa gitna kung saan ang isang tao ay tumutupad sa kanyang misyon. At kung kaya’t walang mga magulang ninuman ang maaaring tumulong sa isa na matupad ang sariling misyon sa buhay, walang kaanak ninuman ang maaaring makatulong sa isa na ipagpalagay ang sariling papel sa buhay. Kung paano isasagawa ng isa ang sariling misyon at sa anong uri ng pamumuhay sa kapaligiran ang isasaganap ng isa sa sarili niyang papel ay ganap na naitadhana na ng sariling kapalaran sa buhay” (“Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nang makita ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na kahit tayo ang mga magulang ng mga anak natin, ipinanganak lamang natin sila, pinalaki at binigyan ng kapaligiran na kanilang makalalakihan. At sa kung ano ang kanilang magiging kinabukasan, anong papel ang kanilang gagampanan at anu-anong mga misyon ang kanilang tutupdin, ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang Diyos ang may hawak sa kanilang kapalaran at siya ang makapagsasabi ng kanilang kinabukasan, hindi ang kanilang mga magulang. Ang tanging bagay na aking magagawa ay ang manalangin sa Diyos, at ipaubaya sa Diyos ang aking mga anak at umasang gagabayan sila ng Diyos sa kanilang paglaki. Pinagnilayan ko rin kung paano ko tratuhin ang aking mga anak. Palagi kong ginagamit ang aking mga kakayahan upang pwersahang kontrolin at gipitin ang mga anak sa tuwing hindi nila ako sinusunod. Pinapalo ko sila, sa pag-aakalang mababago ko ang masasama nilang gawi at mapapabuti ang kanilang kakayahan sa ganitong paraan. Ngunit hindi lamang sa hindi sila naging masunurin at matino, sila ay naging mas mapagrebelde. Ngayon na parang hindi ko naunawaan ang katotohanan at naintindihan ang dominasyon at mga pagsasaayos ng Diyos, kung kaya hindi ko maaaring turuan ang aking mga anak, maski ang hayaan silang lumaki nang maayos. Dapat kong baguhin ang paraan ng aking pagtuturo sa kanila at pakitunguhan sila nang may angkop na saloobin. Matapos nito, nang nakagawa ng pagkakamali ang aking mga anak, matiyaga ko silang kinausap at pinagpaliwanagan ng mga maling nagawa nila. Noong makita kong tumungo sila at tumigil magsalita, hindi ko na sila pinagalitan pa. Minsan ay napakakulit nila didisiplinahin ko sila nang kaunti at sasabihang humarap sa pader at pagnilayan ang kanilang mga ginawa. Unti-unti, napag-alaman kong mas tahimik na sila kaysa noon at hindi na sila nananakit ng ibang mga bata at napakadalang na nilang manumpa at magmura. Nang makita ko na nagsisimulang lumaki nang maayos ang aking mga anak, sobra-sobra ang aking pagsasalamat at alam kong ang lahat ng ito ay dahil sa mga salita ng Diyos at mula sa kaibuturan ng aking puso ay nagpasalamat ako sa Diyos!

Noong Nobyembre 2017, noong malapit nang matapos ang aking panganay na anak sa kindergarten at magpatuloy sa unang baitang, pumili ako at ang aking asawa ng isang kilalang mababang paaralan para sa kanya, sa pag-asang magsusumikap siyang mag-aral at magkakaroon ito ng magandang bunga sa hinaharap. Sa kalagitnaan ng Hulyo, inihatid namin nang mas maaga ang aming anak para kumuha ng pagsusulit. Pagkatapos ng pagsusulit, ipinatawag ako ng punong-guro at sinabi sa akin na ang markang nakuha ng anak ko ang pinakamababa sa dose-dosenang mga bata at hindi niya kakayaning makisabay sa ibang mga batang nasa unang baitang. Sinabi rin niyang magsasagawa muli sila ng ng ikalawang pagsusulit ang aking anak. Nang marinig ko iyon, medyo hindi ako naging komportable, ngunit inihatid pa rin naming mag-asawa ang aming anak para sa pagsusulit na iyon. Nang inanunsyo ang resulta ng pagsusulit, natulala ako at hindi nakapagsalita: Tatlong taong nag-aral sa kindergarten ang anak ko pero wala siyang natutunan. Ni hindi siya makapagbasa o makapagsulat ng alpabeto ni makasagot ng tig-isang numerong addition at subtraction. Magsisimula na ang anak ko sa unang baitang at hindi ko inaasahang napakababa ng kanyang mga marka—hindi ako makapaniwala sa resultang iyon. Nilapitan ako ng punong-guro at itinanong sa akin: “Masyado ka bang abala? Kahit taga-Tsina ka, napakasama ng Tsino ng anak mo; paano mo ba siya tinuruan?” Sobrang nahiya ako sa pangaral na iyon ng punong-guro. Iyon ang unang pagkakataon na nakaramdam ako ng ganoong uri ng pagkabigo bilang isang ina. Sa sobrang pagkahiya ko ay ayokong makipagkita kahit kanino at hindi ako makapaghintay na humanap ng lugar na mapagtataguan.

Nang umuwi ako sa bahay nang hapong iyon, sinabihan ako ng asawa kong maghanap kaagad ng kindergarten para sa aking anak. Pagkarinig ko nito, sumabog ang galit na itinago ko sa aking loob at hindi ko napigilan ang sarili ko at nagsimulang magalit uli sa aking mga anak. Sinabihan ko silang matulog na at agaran akong tumakbo sa isang maliit na kuwarto nang mag-isa, isinara ang mga bintana at mga kurtina, humiga sa kama, at kinlaro ko ang aking isipan. Ganito ako nakatulog nang hindi ko namamalayan. Hanggang ala-sais ng gabing iyon, napakasama ng loob ko at hindi ko napigilan ang aking mga luha. Ni wala akong ganang magluto ng hapunan. Kaharap ang mga resultang iyon, ano ang dapat kong gawin? Sa pagdurusa, nanikluhod ako sa Diyos at nanalangin: “Diyos ko, hindi ko ito kaya. Lubusang nasasaktan ang aking puso. Nawa’y bigyan Mo ako ng liwanag at gabayan mo akong maunawaan ang iyong kalooban. Handa akong isabuhay ang katotohanan upang masiyahan ka.” Matapos nito ay naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Palaging magkakaroon ng ilang agwat sa pagitan ng sariling mga pangarap at mga realidad na dapat niyang kaharapin; ang mga bagay kailanman ay hindi ayon sa ninanais ng isa na maging, at sa harap ng ganoon mga realidad hindi kailanman makakamit ng mga tao ang kasiyahan o katiwasayan. May ilang mga tao na gagawin ang anumang maaaring gawin, magpupunyagi nang husto at gagawa ng malaking mga sakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga pinagkakakitaan at hinaharap, bilang pagtangka na mapalitan ang kanilang sariling kapalaran. Subalit sa katapusan, kahit na matupad nila ang kanilang mga pangarap at mga pagnanais sa pamamagitan ng kanilang sariling marubdob na paggawa, hindi nila kailanman mapapalitan ang kanilang mga kapalaran, at gaano man kasidhi nilang subukin, hindi nila kailanman malalampasan kung ano ang itinakda sa kanila ng tadhana. Hindi alintana ang mga pagkakaiba sa kakayahan, IQ, at paghahangad, ang mga tao ay pantay-pantay lahat sa harap ng tadhana, na walang pagkakaiba sa malaki o sa maliit, sa mataas o sa mababa, sa pinaparangalan o sa hinahamak. Anumang hanapbuhay na sinisikap na matamo, anuman ang ginagawa ng isa upang kumita, at kung gaano na ang naimpok niyang kayamanan sa buhay ay hindi napapagpasyahan ng sariling mga magulang, ng sariling mga talento, ng sariling mga pagpupunyagi o sariling mga ambisyon, kundi nang naitadhana ng Manlilikha” (“Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Mula sa mga salita ng Diyos ay bigla kong naintindihan na hindi ang mga tao ang magpapasya tungkol sa ating kapalaran at tadhana at hindi ito maaaring baguhin ng sinuman. Ito ay depende sa kasanayan at pagtatadhana ng Diyos. Kahit gaano pa kataas ang ambisyon at mga pagnanais ng tao o gaano man kahanga-hanga ang kanilang mga hangarin at mga inaasahan, hindi nito mababago ni katiting ang kasanayan at pagsasaayos ng Diyos sa tadhana ng mga tao. Hindi natin alam kung ilang tao ang nagsikap matamo ang tagumpay at mataas na puwesto, ngunit sa huli ay nabibigo pa rin. Sa huli, namumuhay pa rin sila tulad ng mga karaniwang tao tao. Maraming tao ang nagnanais magsumikap ayon sa kanilang kakayahan at mamuhay nang masaya, ngunit habang buhay na naghihirap at nabibigong makamtan ito. At marami pang iba. Madalas makita ang mga katotohanang ito sa ating paligid. Naiisip kong ganito rin ako noong tinuturuan ko ang aking mga anak. Mula sa oras na ipinanganak ko sila, pinagtuunan ko ng pansin ang kanilang paglaki at edukasyon at umaasang sila ay maging edukado, magkakaroon ng magandang asal at magiging mabubuting tao. Upang makamit ko ang sarili kong mga kagustuhan, gumawa ako ng mahigpit na mga kahilingan para sa kanila at ginawa ang lahat ng aking makakaya upang hanapan sila ng magandang paaralan, ngunit kahit sobra ang aking pag-aalala at pagod, sa bandang huli ay hindi naging maganda ang pakita ng aking anak tulad ng inaasahan ko. Sa pagbabasa lamang ng mga salita ng Diyos ko naunawaan ito: Ang mga akademikong tagumpay ng mga bata, kung anong uri ng karera ang mayroon sila, kung ano ang gagawin nila sa hinaharap, kung ano ang ikabubuhay nila at kung ano ang kanilang katauhan ay hindi batay sa edukasyon mula sa paaralan at pagpapalaki sa kanila. Ang lahat ng ito ay pinagpapasyahan ng kasanayan at pagtatadhana ng Diyos. Ang ating papel bilang mga magulang ay ang ibigay ang lahat ng ating makakaya upang turuan ang ating mga anak. Para naman sa kanilang kapalaran sa hinaharap at kung sila ba ay magiging talentado o hindi, Diyos lamang ang makapagsasabi. Patuloy kong tinuruan ang aking mga anak batay sa aking mga sariling kinakailangan at pinalaki sila ayon sa aking mga kagustuhan. Hindi ba ito pagtakas lamang sa kasanayan ng Diyos? Ito rin ay pagpapahayag ng pagsuway sa Diyos! Matapos kong maintindihan ang kalooban ng Diyos, nanalangin ako sa Kanya: “Diyos ko, nauunawaan kong nasa Iyong mga kamay ang kinabukasan ng aking anak. Hindi ko na tuturuan ang aking mga anak sa sarili kong pamamaraan at kagustuhan, at ganap na ipauubaya ko sa Iyo ang aking mga anak, titingalain Kita, at susundin ko ang iyong kasanayan at mga pagsasaaayos.” Matapos kong magdasal, naramdaman ko ang kapangyarihan sa aking puso at lumakas ang aking puso.

Kinaumagahan, naghanap na naman ako ng paaralan para sa aking anak. Patuloy akong nagdasal sa daan at nawa ay gabayan ako ng Diyos. Tumingin ako ng dalawang paaralan nang araw na iyon. Nang makita ko ang pangalawang paaralan, nagustuhan ko ito at naramdaman kong sumusunod ito sa mga pamantayan. Pagdating ng mga mag-aaral sa paaralan, mayroon silang karaniwang gawain sa umaga at mayroon din silang mga sariling mga kuwento. Tipikal na paaralan. Pumapasok ang mga bata mula alas-otso ng umaga hanggang ala-sais ng gabi, kung kaya’t mas marami akong oras upang makadalo sa mga pagtitipon. Napakasaya ko at napakasaya rin ng anak ko nang makita niya ang paaralan. Kaya nagpasya akong doon siya ipasok. Matapos iyon, matagumpay kong tinapos ang lahat ng mga kailangang asikasuhin para sa kanya at opisyal na nga siyang nakapag-enrol nang araw ring iyon.
Rekomendasyon:Patotoo ng Isang Kristiyano