🍀*゚゚🍒* 🍀*゚゚* 🍀*゚゚🍒* 🍀*゚゚🍒*🍀*゚゚* 🍀*゚゚🍒* 🍀
Sa simula, nang hindi pa nasisimulan ni Jesus ang pagsasagawa ng
Kanyang ministeryo, katulad ng mga disipulong sumunod sa kanya, minsan
ay dumalo rin Siya sa mga pagtitipon, at umawit ng mga himno, nagbigay
ng papuri, at binasa ang Lumang Tipan sa templo. Matapos Niyang
mabautismuhan at umahon, ang Espiritu ay opisyal na bumaba sa Kanya at
nagsimulang gumawa, ibinubunyag ang Kanyang pagkakakilanlan at ang
ministeryo na isasagawa Niya. Bago ito, walang nakakaalam sa Kanyang
pagkakakilanlan, at maliban kay Maria, maging si Juan ay hindi rin ito
alam. Si Jesus ay 29 nang Siya ay sumailalim sa bautismo. Nang matapos
ang Kanyang bautismo, nagbukas ang kalangitan, at isang tinig ang
nagsabi: “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na
kinalulugdan.” Nang nabautismuhan si Jesus, nagsimulang magpatotoo ang
Banal na Espiritu sa Kanya sa ganitong paraan. Bago Siya sumailalim sa
bautismo sa gulang na 29, namuhay Siya na parang isang karaniwang tao,
kinakain kung ano ang dapat Niyang kainin, normal na natutulog at
nagbibihis, at walang anuman sa Kanya ang iba mula sa ibang tao.
Syempre, ito ay para lang sa mga makalamang paningin ng tao. Minsan Siya
ay mahina rin, at minsan ay hindi rin Niya mabatid ang mga bagay,
katulad ng nakasulat sa Biblia: “Ang Kanyang katalinuhan ay lumawig
kasabay ng Kanyang edad.” Ang mga salitang ito ay nagpapakita lamang na
nagkaroon Siya ng karaniwan at normal na pagkatao, at hindi
bukod-tanging naiiba mula sa ibang karaniwang tao. Siya ay lumaki rin
bilang isang karaniwang tao, at walang natatangi sa Kanya. Ngunit Siya
ay nasa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos. Nang Siya ay
mabautismuhan, nagsimula Siyang matukso, pagkatapos ay sinimulan Niyang
gampanan ang Kanyang ministeryo at gumawa, at nagtaglay ng
kapangyarihan, at karunungan, at awtoridad. Hindi ito nangangahulugang
hindi kumilos sa Kanya ang Banal na Espiritu, o wala sa Kanya bago ang
Kanyang bautismo. Bago ang Kanyang bautismo, ang Banal na Espiritu ay
nanahan sa Kanya ngunit hindi opisyal na sinimulan ang gawain, dahil may
mga limitasyon kung kailan ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at
bukod dito, ang mga karaniwang tao ay may karaniwang paraan ng paglaki.
Ang Banal na Espiritu ay palaging nananahan sa Kanya. Nang isinilang si
Jesus, Siya ay kakaiba mula sa lahat, at lumabas ang isang tala sa
umaga; bago Siya isilang, nagpakita ang isang anghel kay Jose sa isang
panaginip at nagsabi na si Maria ay manganganak ng isang sanggol na
lalaki, at ang sanggol na iyon ay ipinaglihi sa Banal na Espiritu. Kaya
hindi iyon pagkatapos na pagkatapos ng pagbautismo kay Jesus, kung saan
din opisyal na nagsimula ang Banal na Espiritu sa Kanyang gawain, na ang
Banal na Espiritu ay bumaba sa Kanya. Ang kasabihan na ang Banal na
Espiritu ay bumaba sa Kanya na parang isang kalapati ay tumutukoy sa
opisyal na pagsisimula ng Kanyang ministeryo. Ang Espiritu ng Diyos ay
nananahan na sa Kanya noon pa man, ngunit hindi Siya nagsimulang gumawa,
dahil hindi pa dumarating ang tamang panahon, at ang Banal na Espiritu
ay hindi nagsimula ng gawain nang padalos-dalos. Ang Banal na Espiritu
ay nagpatotoo sa Kanya sa pamamagitan ng bautismo. Nang Siya ay umahon
mula sa tubig, opisyal na nagsimulang kumilos ang Banal na Espiritu sa
Kanya, na nagpahiwatig na ang katawan ng Diyos na naging-tao ay
nagsimulang isakatuparan ang Kanyang ministeryo, at nasimulan ang gawain
ng pagtubos, iyon ay, ang Kapanahunan ng Biyaya ay opisyal na
nagsimula. Kaya, may oras para sa gawain ng Diyos, anuman ang isagawa
Niyang gawain. Matapos ang Kanyang bautismo, walang natatanging
pagbabago kay Jesus; Siya’y nasa Kanyang orihinal na katawang-tao pa
rin. Ito ay dahil lang sa sinimulan Niya ang Kanyang gawain at ibinunyag
ang Kanyang pagkakakilanlan, at Siya ay puno ng awtoridad at
kapangyarihan. Sa bagay na ito, Siya ay iba na mula sa dati. Iba na ang
Kanyang pagkakakilanlan, maaaring sabihin na mayroong makabuluhang
pagbabago sa Kanyang kalagayan; ito ang patotoo ng Banal na Espiritu, at
hindi ang gawaing isinagawa ng tao. Sa simula, hindi alam ng mga tao,
at mayroon lang silang kaunting nalaman nang nagpatotoo ang Banal na
Espiritu para kay Jesus sa ganoong paraan. Kung nagsagawa ng dakilang
gawain si Jesus bago magpatotoo ang Banal na Espiritu sa Kanya, ngunit
wala ang patotoo ng Diyos Mismo, kaya gaano man kadakila ang Kanyang
gawain, hindi malalaman ng mga tao ang Kanyang pagkakakilanlan, dahil
hindi magkakaroon ng kakayahan ang mga mata ng tao na makita ito. Kung
wala ang hakbang ng pagpapatotoo ng Banal na Espiritu, walang
makakikilala sa Kanya bilang Diyos na nagkatawang-tao. Kung, matapos
magpatotoo ng Banal na Espiritu sa Kanya, at si Jesus ay nagpatuloy na
gumawa sa parehong paraan, na walang pagkakaiba, sa gayon hindi ito
magkakaroon ng ganoong epekto. At dito pangunahing ipinakita din ang
gawain ng Banal na Espiritu. Matapos magpatotoo ng Banal na Espiritu,
kinailangang magpakita ang Banal na Espiritu, nang sa gayon ay iyong
mamalas na Siya ang Diyos, na nasa Kanya ang Espiritu ng Diyos; hindi
mali ang patotoo ng Diyos, at ito ang magpapatunay na ang Kanyang
patotoo ay tama. Kung ang gawain noon at ngayon ay iisa, kung gayon ang
ministeryo Niya ng pagkakatawang-tao, at ang gawain ng Banal na
Espiritu, ay hindi mabibigyang-diin, kaya hindi magkakaroon ng kakayahan
ang mga tao na makilala ang gawain ng Banal na Espiritu, dahil walang
malinaw na pagkakaiba. Matapos magpatotoo, nararapat panindigan ng Banal
na Espiritu ang patotoong ito, kaya kinailangan Niyang ipahayag ang
Kanyang karunungan at awtoridad sa pamamagitan ni Jesus, na naiiba mula
sa mga nakaraan. Syempre, hindi ito ang epekto ng bautismo; ang bautismo
ay isang pagdiriwang lang, ang bautismo ay isang paraan lang upang
maipakita na oras na upang isagawa ang Kanyang ministeryo. Ang ganoong
gawain ay upang maipakita nang malinaw ang dakilang kapangyarihan ng
Diyos, maipakita nang malinaw ang patotoo ng Banal na Espiritu, at
pananagutan ng Banal na Espiritu ang patotoong ito hanggang sa
pinaka-wakas. Bago isagawa ang Kanyang ministeryo, nakinig din si Jesus
sa mga turo, nangaral at nagpalaganap ng ebanghelyo sa iba’t ibang
lugar. Hindi Siya nagsagawa ng anumang dakilang gawain dahil hindi pa
dumarating ang oras upang isagawa Niya ang Kanyang ministeryo, at gayon
din dahil mapagpakumbabang nagtago ang Diyos Mismo sa Kanyang
katawang-tao, at hindi nagsagawa ng anumang gawain hanggang dumating ang
tamang panahon. Hindi Siya gumawa bago ang bautismo dahil sa dalawang
dahilan: Una, dahil ang Banal na Espiritu ay hindi pa opisyal na
bumababa sa Kanya upang gumawa (maaaring sabihin na, hindi pa
ipinagkaloob ng Banal na Espiritu kay Jesus ang kapangyarihan at
awtoridad upang isagawa ang ganoong gawain), at kahit na nalaman Niya
ang Kanyang pagkakakilanlan, wala sanang kakayahan si Jesus na isagawa
ang gawain na nilayon Niyang gawin paglaon, at kinailangang maghintay
hanggang sa araw ng Kanyang bautismo. Ito ang panahon ng Diyos, at
walang may kakayahang sumalungat dito, kahit na si Jesus Mismo; hindi
kayang gambalain ni Jesus Mismo ang Kanyang sariling gawain. Syempre,
ito ang pagpapakumbaba ng Diyos, at gayundin ang kautusan ng gawain ng
Diyos; kung ang Espiritu ng Diyos ay hindi gumawa, walang makagagawa sa
Kanyang gawain. Pangalawa, bago Siya sumailalim sa bautismo, Siya ay
isang napaka-karaniwan at ordinaryong tao lang, at walang pinagkaiba
mula sa mga karaniwan at ordinaryong tao; ito ang isang aspeto kung
paanong ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi nakahihigit sa karaniwan.
Hindi sinalungat ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagsasaayos ng Espiritu
ng Diyos; Siya ay gumawa sa maayos na paraan at napaka-normal.
Pagkatapos lang ng bautismo saka nagkaroon ng awtoridad at kapangyarihan
ang Kanyang gawain. Maaaring sabihin, na kahit Siya ang Diyos na
nagkatawang-tao, hindi Siya nagsagawa ng mga hindi pangkaraniwang gawa,
at lumaki na katulad ng mga normal na tao. Kung nalaman agad ni Jesus
ang Kanyang pagkakakilanlan, at nagsagawa ng mga dakilang gawain sa
buong lupain bago ang Kanyang bautismo, at naging kakaiba mula sa normal
na tao, ipinapakita ang sarili Niya bilang katangi-tangi, sa gayon
hindi lang magiging imposible para kay Juan na isagawa ang Kanyang
gawain, ngunit hindi rin magkakaroon ng paraan upang masimulan ng Diyos
ang susunod na yugto ng Kanyang gawain. At kaya ito sana ay magpapatunay
na ang ginawa ng Diyos ay mali, at sa tao, magmimistulang ang Espiritu
ng Diyos at ang naging-taong katawan ng Diyos ay hindi nagmula sa iisang
pinanggalingan. Kaya, ang gawain ni Jesus na naitala sa Biblia ay ang
gawain na isinagawa matapos Siyang bautismuhan, ang gawaing isinagawa sa
loob ng tatlong taon. Hindi naitala sa Biblia ang Kanyang ginawa bago
Siya sumailalim sa bautismo dahil hindi Niya isinagawa ang gawaing ito
bago Siya bautismuhan. Isa lang Siyang karaniwang tao, at kumatawan sa
isang karaniwang tao; bago sinimulan ni Jesus na isagawa ang Kanyang
ministeryo, wala Siyang ipinagkaiba mula sa mga karaniwang tao, at ang
iba ay walang makitang pagkakaiba sa Kanya. Nang si Jesus ay tumuntong
sa gulang na 29, nalaman Niyang naisakatuparan na Niya ang isang yugto
sa gawain ng Diyos; bago noon, Siya Mismo ay hindi alam, dahil ang
gawaing isinagawa ng Diyos ay hindi higit sa karaniwan. Nang dumalo Siya
sa isang pagtitipon sa sinagoga noong Siya ay labindalawang-taong
gulang, hinahanap Siya ni Maria, at isang pangungusap lang ang Kanyang
sinabi, sa parehong paraan ng kahit na sinumang bata: “Inay! Hindi mo ba
alam na dapat Kong unahin ang kalooban ng Aking Ama kaysa sa lahat?”
Syempre, dahil Siya ay ipinagbuntis mula sa Banal na Espiritu, hindi ba
Siya maituturing na katangi-tangi sa ibang paraan? Ngunit ang Kanyang
pagiging katangi-tangi ay hindi nangangahulugang Siya ay higit sa
pangkaraniwan, maliban lamang na minahal Niya ang Diyos nang higit kaysa
sa sinumang ibang bata. Kahit na Siya ay isang tao sa paningin, ang
Kanyang diwa ay katangi-tangi pa rin at iba sa lahat. Ngunit pagkatapos
lamang ng Kanyang bautismo, saka Niya naramdaman ang pagkilos ng Banal
na Espiritu sa Kanya, naramdaman Niya na Siya ang Diyos Mismo. Nang
narating lamang Niya ang gulang na 33, talagang naunawaan Niyang
hinangad isagawa ng Banal na Espiritu sa Kanya ang gawain ng pagpapapako
sa krus. Sa gulang na 32, nalaman Niya ang ilang mga katotohanang
panloob, katulad ng mga nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo: “At sumagot si
Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay. …
Mula ng panahong yao’y nagpasimulang ipinakilala ni Jesus sa kaniyang
mga alagad, na kinakailangang siya’y pumaroon sa Jerusalem, at magbata
ng maraming bagay sa matatanda at sa mga pangulong saserdote at sa mga
eskriba, at siya’y patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.” Hindi
Niya alam antimano ang gawain na Kanyang isasagawa, ngunit sa isang
tiyak na panahon. Hindi Niya ganap na nalaman nang Siya ay isinilang;
unti-unting kumilos sa Kanya ang Banal na Espiritu, at mayroong paraan
ng paggawa. Kung sa simula pa lang, nalaman Niyang Siya ay Diyos at
Kristo, at ang nagkatawang-taong Anak ng tao, na kailangan Niyang
isakatuparan ang gawain ng pagpapapako sa krus, sa gayon bakit hindi
Siya gumawa dati pa? Bakit pagkatapos lamang Niyang sabihin sa Kanyang
mga disipulo ang tungkol sa Kanyang ministeryo ay nakaramdam si Jesus ng
kalungkutan, at taimtim na nanalangin para rito? Bakit nagbukas ng daan
si Juan para sa Kanya at binautismuhan Siya bago Niya naunawaan ang
maraming bagayna hindi Niya maunawaan? Pinatutunayan nito na ito ang
gawain ng Diyos na naging-tao sa katawan, at upang Kanyang maunawaan, at
makamit, mayroong proseso, dahil Siya ang Diyos na naging-tao sa
katawan, na ang gawain ay iba mula sa mga direktang ginawa ng Banal na
Espiritu.