Noong siya ay kinakastigo ng Diyos, nanalangin si Pedro, “O Diyos! Ang aking laman ay masuwayin, at kinakastigo Mo ako at hinahatulan ako. Ako ay nagagalak sa Iyong pagkastigo at paghatol, at kahit hindi Mo ako nais, sa Iyong paghatol ay nakikita ko ang Iyong banal at matuwid na disposisyon. Kapag hinahatulan Mo ako, upang makita ng iba ang Iyong matuwid na disposisyon sa Iyong paghatol, ako ay nasisiyahan. Kung ito ay makapagtatanghal ng Iyong disposisyon, at magtutulot na ang Iyong matuwid na disposisyon ay makita ng lahat ng mga nilalang, at kung madadalisay nito nang higit ang aking pag-ibig sa Iyo, upang aking matamo ang larawan ng isa na matuwid, kung gayon ang Iyong paghatol ay mabuti, sapagka’t gayon ang Iyong mapagpalang kalooban. Batid ko na malaki pa rin sa akin ang mapanghimagsik, at na ako ay hindi pa rin naaangkop na lumapit sa harap Mo. Nais ko para sa Iyo na hatulan pa ako nang higit, kung sa pamamagitan man ito ng palabang kapaligiran o malaking mga kapighatian; sa paanong paraan Mo man ako hatulan, para sa akin ito ay napakahalaga. Ang Iyong pag-ibig ay napakalalim, at ako ay payag na ihain ang aking sarili sa Iyong kahabagan nang walang munti mang pagdaing.” Ito ang kaalaman ni Pedro pagkatapos niyang maranasan ang gawa ng Diyos, at ito rin ay isang patotoo sa kanyang pag-ibig sa Diyos. Ngayon, kayo ay nalupig na—nguni’t sa paanong paraan ang pagkalupig na ito ay naihahayag sa inyo? May mga taong nagsasabi, “Ang paglupig sa akin ay ang pinakamataas na biyaya at pagtataas ng Diyos. Ngayon ko lamang napagtanto na ang buhay ng tao ay hungkag at walang halaga. Ang mabuhay ay lubhang walang kabuluhan, mas gugustuhin ko pang mamatay. Bagaman ginugugol ng tao ang kanyang buhay sa pagmamadali, pamumunga at pagpapalaki ng henerasyon pagkatapos ng isa pang henerasyon ng mga bata, sa kasukdulan ay walang matitira sa tao. Ngayon, pagkatapos lamang na malupig ng Diyos ay nakita ko na walang kabuluhan ang pamumuhay sa ganitong paraan; ito ay tunay na walang-kahulugang buhay. Mabuti pang mamatay tayo at matapos na ito!” Ang gayon bang mga tao na nalupig ay matatamo ng Diyos? Sila ba ay maaaring maging halimbawa at huwaran? Ang gayong mga tao ay mga aral sa pagiging walang-pakialam, wala silang mga hangarin, at hindi nagsisikap upang mapabuti ang kanilang mga sarili! Bagaman sila ay nabibilang sa nalupig, ang gayong mga tao na walang-pakialam ay hindi kayang gawing perpekto. Noong malapit na siyang mamatay, pagkatapos siyang magawang perpekto, sinabi ni Pedro, “O Diyos! Kung ako ay mabubuhay ng ilan pang mga taon, nais kong magkaroon nang higit pang dalisay at higit pang malalim na pag-ibig sa Iyo.” Noong siya ay ipapako na sa krus, nanalangin siya sa kanyang puso, “O Diyos! Ang Iyong panahon ay ngayon dumating, ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat maipako sa krus para sa Iyo, dapat kong dalhin itong patotoo sa Iyo, at ako ay umaasa na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga kinakailangan, at na ito ay magiging higit pang dalisay. Ngayon, ang makayang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay umaaliw at nagbibigay-katiyakan sa akin, sapagka’t wala nang higit pang kasiya-siya sa akin kaysa makayang mapako sa krus para sa Iyo at mabigyang-kasiyahan ang Iyong mga kanaisan, at makayang ibigay ang sarili ko sa Iyo, maialay ang aking buhay sa Iyo. O Diyos! Ikaw ay lubhang kaibig-ibig! Kung tutulutan Mo akong mabuhay, lalo pa akong magiging handang ibigin Ka. Habang ako ay buhay, iibigin Kita. Nais kong ibigin Ka pa nang higit na malalim. Hatulan Mo ako, at kastiguhin ako, at subukin ako dahil ako ay hindi matuwid, dahil ako ay nagkasala. At ang Iyong matuwid na disposisyon ay nagiging higit na maliwanag sa akin. Ito ay isang pagpapala sa akin, sapagka’t naiibig Kita nang higit na malalim, at handa akong ibigin Ka sa ganitong paraan kahit na hindi Mo ako iniibig. Handa akong makita ang Iyong matuwid na disposisyon, sapagka’t mas lalo ako nitong binibigyang-kakayahan upang isabuhay ang isang makahulugang buhay. Nararamdaman ko na ang buhay ko ngayon ay higit na may kabuluhan, sapagka’t ipinapako ako sa krus para sa Iyong kapakanan, at napakahalagang mamatay alang-alang sa Iyo. Gayun pa man hindi pa rin ako nakakaramdam na nasisiyahan, sapagka’t lubhang kakaunti lamang ang nalalaman ko hinggil sa Iyo, batid ko na hindi ko ganap na matutupad ang Iyong mga iniaatas, at kakaunti lamang ang mga naibayad ko sa Iyo. Sa aking buhay, hindi ko nakayang ibigay ang buong sarili ko sa Iyo; malayo pa ako roon. Habang lumilingon ako sa sandaling ito, nararamdaman ko ang lubhang pagkakautang ko sa Iyo, mayroon na lamang ako ng sandaling ito upang bumawi mula sa lahat ng mga pagkakamali ko at lahat ng pag-ibig na hindi ko naibalik sa Iyo.”